Noong dumalaw kami sa labi ni Felix ay napabulong ang aking asawa nang “Felix, bakit nandyan ka?” malungkot kami habang nakatingin kaming mag-asawa sa walang buhay niyang labi sa Oro Funeral Homes malapit lamang sa dati niyang tinitirhan sa Balic-balic.
Nandoon ang ilang mga kaibigan sa press at showbiz. Naroon din ang mga mukhang hindi namin nakita ngunit naging bahagi din ng kanyang makulay na buhay.
Lumabas agad kami..tinangka naming tanungin ang mga tao sa paligid kung ano ang dahilan ng kanyang pagkamatay ngunit, hindi ko na magawang muling bumalik sa loob kung saan nakalagak ang kanyang labi..dire-diretso na kaming bumaba.
Yun na ang una at huli kong silip sa kanya at ayaw ko nang bumalik pa. Ayoko siyang makita sa ganoong kalagayan. Madalas ko ngang sabihin na mas gusto ko pang naaalala ang isang namaalam na sa sandaigdigan sa estado noong siya ay buhay pa. Para bang namasyal lang siya sa ibang lugar kaya hindi na kami magkikita. Sa aming pagbaba, hindi na ako nakapag-paalam sa kanyang mga naulila.
Buhay sa amin ang iyong alaala kaibigan, di ka namin malilimutan.