Wednesday, July 2, 2014

Ang Mga Ginintuang Pangarap ni Randy



Matapos ang dalawang buwan mula ng naganap ang "Misteryo ng Paru-paro", hindi ko inaakalang ako ay magiging direktor ng isang pelikula. Patunay lamang na naging swerte ang insidenteng yun sa aking buhay. Ito ay ang "Lapis, Ballpen at Diploma" A true to life Journey.

Kung ang paru-paro man ay si Kuya Ron o isang anghel na nagbigay sa amin nang isang magandang pagkakataon, ito ay aking pinasasalamatan. Abangan ninyo ang Hong Kong showing ng pelikulang ito. Ipapalabas din ito sa ilang bansa sa Asya. I-update ko po kayo kung saan-saan ito pupunta.

Matapos ng ilang panahon ay magbabalik ito sa Pilipinas upang mapanood naman ng ating mga kababayan. 

Ating pong tangkilikin ang pelikulang Pilipino!

Noon ay naibabahagi ko sa inyo ang poster ng mga pelikula na kung saan ako ay isang artista, ngayon ay poster naman ng pelikula kung saan ako ang director.

Nakilala ko si Randy noong 2010 sa isang networking company na nagbukas ng dyaryo. Sa panahong iyon, hindi namin alam ng aking asawang si Linda na siya ay personal driver ng aming CEO. Dahil ang Randy Montoya na aming nakilala at nakikita ay isang marketing speaker.

Natuwa ako kay Randy dahil sa kanyang pagiging masayahin, at ang kanyang pagpupursige sa buhay. Hindi nagkakalayo ang naging buhay namin noong aming kabataan. Ngunit kahit anung pagsubok sa buhay ay aming hinaharap. Anumang balakid ay kakayaning pagtagumpayan maabot lamang ang ginintuang pangarap.

Masayahin at magaling makipagtalastasan itong si Randy. Akala mo ay walang nagiging problema sa buhay, ngunit sa panahon pa lang iyon ay marami ng problemang kinakaharap. Lumaki at lumago muli si Randy sa kumpanyang nabanggit sa mga lumipas na taon, at sa panahong ito, sila ng asawang si Erlinda ang ilan sa nag-aasikaso ng networking branch nila sa Hong Kong. 

Naging tagapagsalita siya ng kumpanya, madalas na ipadala si Randy sa iba't-ibang parte ng ating bansa at maging sa Asya. Hindi pasusubalian na kung ang iba ay may Midas Touch, siya ay nakakakuha ng ginto sa kanyang pagsasalita sa madla.

Malaking inspirasyon siya sa ating mga kababayan, dahil isa si Randy sa mga nagtataglay ng katauhan ng isang nilalang na patuloy na bumabagon sa kanyang pagkakadapa, at sa muli niyang pagbabalik ay mas lumalaki pa, mas tumitibay, at mas nagiging ehemplo para sa ating mga kababayan. Saludo kami Randy sa iyong katatagan. 

Ang Misteryo ng Paru-paro

Mayo 1 ng taong ito, magkakausap kami nina Direk Rod at Amay Bisaya sa McDo Quezon Ave. kasama ko ang aking maybahay na si Linda, napag usapan namin ang glory days ng Philippine Films, ang mga kagandahan ng paggawa ng pelikula noong araw, mag experiences at di malilimutang mga eksena sa kani-kaniyang pelikula. Syempre di maiiwasang maisama sa usapan ang Hari ng Pelikulang Pilipino, Fernando Poe Jr..

Ang kanyang nakakalungkot na pamamaalam o premonition sa kanyang mga kasamahan sa industriya. Ang pagbabati niya sa mga magkakagalit sa industriya, ang pag aayos ng kanyang opisina sa FPJ Productions.

Marami ang nalungkot sa biglaang pagkawala ni Kuya Ron, masakit, hindi lang sa kanyang pamilya at mga kaibigan kundi pati na rin sa mga bumubuo ng industriya ng showbiz.

Walang makakapantay sa kanyang kasikatan sa ating mga Pinoy bilang isang artista, walang makakapantay sa kanyang puso sa mga kasamahan sa industriya at walang makakapantay sa tunay niyang pagmamalasakit sa ating kapwa Pinoy na iilan lang kami sa mga nakakasaksi.

Isa sa mga ayaw ni Kuya Ron ay yuong ipabanggit ang kanyang mga nagawang tulong sa kanyang mga kababayan. Kahit noong tumatakbo siya sa larangan ng pulitika kung saan binabato na siya ng mga mapaghusgang mata at binabatikos sa pahayagan, ayaw niya kaming magbigay ng komento ukol dito. Bagay na inirerespeto namin magpahanggang sa ngayon.

FPJ sa pelikulang Hari sa Barilan
Mula sa pelikulang Hari sa Barilan
Ilang sandali pa nakakita kami ng puting paru-paro na umaaligid sa aming pwesto, kataka-taka, dahil nga sa wala namang bukirin o mga halaman na malapit dito at dis oras na ng gabi. Napasambit tuloy si Amay na "Gabayan mo kami Ninong Ron!" (tawag niya kay FPJ). Sa aming pag uwi ay tila gumaan ang aming mga pakiramdam.

Nakita ko sa isang babasahin ang isa sa magandang simbolismo ng puting paru-paro.

"When a white butterfly crosses your path or enters your home, it will bring good luck and is a sign that you will have a good life. White butterflies also symbolize past spirits/souls and are signs of good luck or angels watching over you."

Dinalaw kaya kami ng kaluluwa ni Ron? Hindi ko ito masasagot, ngunit nawa nga maging maganda na ang aming mga gustong matupad sa buhay, isa na dito ay ang makatulong na muling mapasigla ang mundo ng Pelikulang Pilipino.