KARAMIHAN sa mga tao sa panahong ito ay walang ginawa kundi ang umasa. Kahit sa anong trabaho, pamumuhay at maging sa hawak na katungkulan.
Wala kang itulak kabigin. Siyempre, mula sa matanda, ginagaya ng bata. Mula sa may mataas na katungkulan, susundan ng may mababang posisyon. Bakit di natin iwasan ang ganitong ugali?
Nawawalan na tayo ng sariling desisyon lalo pa’t may perang pinag-uusapan. Talaga bang paninindigan na natin na ibenta ang buhay natin? Wala na ba tayong dini-Diyos kundi ang pera?
Pati na rin ang klima ng panahon ay di na rin natin maintindihan. Nitong nakaraang linggo lang ay nakaranas tayo ng pinaka-mainit na panahon dito sa Pilipinas, ngunit biglang kumulimlim ang panahon.
Nang bumubuhos ang ulan, halos di na tumigil ito na naging sanhi ng baha sa iba’t-ibang dako ng Maynila. May mga nagsasabing ito na marahil ang sinasabing pagbabago ng panahon dahil narito na ang "global warming" at kasunod nitong "climate change".
Maghihintay na lang ba tayo sa ating kapalaran? Ang aking pagkakaalam, ibinigay sa atin ng Mahal na Poong Maykapal ang hiram nating buhay. Pero, tayo naman ang mangangalaga nito.
Tayo ang kikilos para sa ating kinabukasan. Tayo ang mangangalaga dito upang laging malakas at upang huwag dapuan ng kahit ano mang karamdaman. Sabi nga "Nasa Diyos Ang Awa, Nasa Tao Ang Gawa".
Kaya, kumilos tayo para sa ating sarili. Huwag tayong umasa sa iba.
Huwag nating ipagbili ang ating kinabukasan. Ipakita natin na tayo ay may paninindigan, may karangalan at may prinsipyong di matatawaran.
Magsimula na tayong kumilos. Magsimula na tayong gumawa, Ano man ang naging kasalanan natin sa ating kapwa tao, lalo na sa ating sarili, ay ihingi natin ng kapatawaran sa Diyos Amang May Lalang.
published on
Morning Star Balita
Vol 2. Bldg.10
No comments:
Post a Comment