Sunday, December 13, 2015

LAHAT AY NAABO NA

SUNOG SA MALANDAY, VALENZUELA

Noong 1965, una akong nanirahan dito sa Malanday, Valenzuela. Binata pa ako noon. Awa ng Diyos noon nakapagpundar ako ng payak na tirahan dito. Hanggang nagkaroon ng isa pang bahay. Ang una pinatirhan ko sa aking dalawang kapatid.

Nagtatrabaho ako sa Japan noon bilang lead dancer/choreographer kaya medyo magaan ang buhay.

Matapos ang dalawang hindi nagtagumpay na relasyon sa pag-ibig noon. Nagdesisyon ako patirahin sa ipinundar kong pangalawang bahay ang aking mga ibang kapatid. Wala rin naman akong kasama sa aking buhay. Hanggang naglakihan ang mga anak ng aking mga kapatid, nagka-asawa at nagkaanak sila rin ay sa akin nakapisan. Hanggang nagkaroon na akong muli ng kaagapay sa buhay at mga anak. Naroon pa rin sila.

Dahil na rin sa iba't-iba aming mga nagiging trabaho at wala na rin akong mapuwestuhan sa aking sariling tahanan. (Dumadami mga pamangkin at apo) Madalas kung saan kami nagtatrabaho doon na rin kami ng aking pamilya nanunuluyan. Naiiwan na lamang doon sa aking bahay sa Malanday ang karamihan sa aming mga gamit at mga damit.

Nag abiso sa akin ang kapatid nang may-ari ng tinutuluyan namin (siya ang aming pangkasalukuyang pinagtatrabahuan) kung saan kami naninirahan sa ngayon na paparenovate na at pauupahan na ito, kailangan na naming umalis. Doon na lamang sana ako sa aking bahay na pinundar, ngunit wala na pala kaming babalikan. 

December 11, 2016 nasunog ang mga kabahayan sa Road 1 ng Malanday, Valenzuela.

Malungkot ang mga pamangkin ko at kapatid. Wala na rin ang kanilang mga naipundar, pero awa ng Diyos, buhay sila. Nalulungkot ako para sa kanila. Simula noong naging batang artista ako sa pelikula, alam ko nakakatulong na ako sa kanila. Hanggang sa makakaya ko ay ibinibigay ko. Madalas marami akong naisasakripisyo para lang mapagbigyan sila. Sila ang parati kong nauuna sa aking mga prayoridad. Ngayon, wala akong maitulong. Ako at ang aking pamilya ay may pinagdadaanan din na pagsubok. 

Ngunit napaisip ako, ako pala ang totoong nasunugan ng bahay. Wala na ang aking mga naipundar. Wala na kaming babalikang tirahan. Lahat ay abo na.

No comments: