Friday, June 24, 2016

MULING PAGNINILAY-NILAY NANG ISANG NAKATATANDA

Alam ng tao ang totoo sa akin at hindi, nakakalungkot lang na madalas na mas di nakakaunawa ng totoo ang mga tinuturing nating mas malapit na dugo sa atin.

Madalas na iniintindi kung ano ang maisisira sa iyo, maisisisi sa iyo at kung ano ang makukuhang pakinabang sa iyo. Sa kanilang pananaw, sila ang naapi, ako ang may pagkukulang sa kanila, ako ang may kasalanan kung bakit sila napunta sa hindi magandang sitwasyon.

Ang sa akin lang, nakapagtanong ba sila sa akin kung ano ang mga totoo? Kung ako lang ba ang maysala? Wala ba akong karapatan, at ako lang ba ang may pagkukulang? Pero pwede akong lokohin, pagsinungalingan, pagkaperahan, gamitin para sa anumang bagay at iwanan.

Napapaisip ako, nalulungkot, dahil sa takipsilim ng aking buhay ay hindi ako nabigyan pagkakataon magsalita. Sila lang ang may karapatan dito. Ako, hindi dapat nasasaktan, sila lang.

Walang bahid pagmamahal, walang bahid na pag aalala, walang pagsisikap makita ang mga katotohanan at walang pakialam kung may masasaktan na mga taong tunay na tumingin at nagmahal ng totoo sa akin.

Nagsikap ako, nagpundar ng materyal na bagay sa mundong ito, ngunit iba ang nakikinabang, naisang tabi ako at kailangan ko pa silang pakinggan at unawain upang kahit kapiraso ay may maibalik sa akin, kaya iniwan ko na lang sa mga may gusto ang mga bagay na sa akin, wag na lang nila akong abalahin pa.

Hayaan na ninyo ako sa aking buhay hanggang sa aking huling hininga. Ako na ang bahala sa aking sarili at wag nyong abalahin ang mga kasama ko sa buhay. Maaaring makuha ninyo ang mga bagay na meron ako noon, pero ang hindi nyo makukuha ay ang tiwala at presensiya ko.

Taon na ang binibilang ko na hindi ko pa kadugo ang karamihan sa nag aasikaso at nag aalala sa aking pagtanda. Kung di sila dumating sa buhay ko, paano na kaya ako? Maaring nag iisa, naubos na ang kabataan, naubos na ang dating kalusugan at maaring nasa kung saan saan na lang dahil ulyanin na.

Nagpapasalamat ako lubos sa aking mga kapamilya ngayon, dahil kayo ay naging biyaya at liwanag ko. Siguro matanda na lang talaga ako at nag iisip ng husto. Pero ito ang nabuo ko sa aking kaisipan; ang mga taong naiwan sa akin, ang nag aasikaso, umunawa at tinutulungan akong mapaunlad ang aking sarili ang siyang tunay na nagmamahal sa akin. Mahal ko kayo, maraming salamat.

Kayo ang mga taong minahal ako kahit maraming kulang sa buhay ko. Totoo namang higit pa sa pag asenso ang pagkakaroon ng tunay na pamilya. Ang pag asenso at biyaya ay ibinibigay ng kusa ng nakakataas sa atin. Magsisikap akong masuklian ang mga taong karapat-dapat lang na masuklian ng aking pagmamahal.

Panalangin ko lamang na ilayo kayo sa anumang mga masasamang balakid na gawa ng mga taong walang magandang intensyon at ilayo kayo sa kapahamakang dulot ng aksidente. Nabuo ang buhay ko dahil sa inyo.

No comments: