Friday, June 24, 2016

MULING PAGNINILAY-NILAY NANG ISANG NAKATATANDA

Alam ng tao ang totoo sa akin at hindi, nakakalungkot lang na madalas na mas di nakakaunawa ng totoo ang mga tinuturing nating mas malapit na dugo sa atin.

Madalas na iniintindi kung ano ang maisisira sa iyo, maisisisi sa iyo at kung ano ang makukuhang pakinabang sa iyo. Sa kanilang pananaw, sila ang naapi, ako ang may pagkukulang sa kanila, ako ang may kasalanan kung bakit sila napunta sa hindi magandang sitwasyon.

Ang sa akin lang, nakapagtanong ba sila sa akin kung ano ang mga totoo? Kung ako lang ba ang maysala? Wala ba akong karapatan, at ako lang ba ang may pagkukulang? Pero pwede akong lokohin, pagsinungalingan, pagkaperahan, gamitin para sa anumang bagay at iwanan.

Napapaisip ako, nalulungkot, dahil sa takipsilim ng aking buhay ay hindi ako nabigyan pagkakataon magsalita. Sila lang ang may karapatan dito. Ako, hindi dapat nasasaktan, sila lang.

Walang bahid pagmamahal, walang bahid na pag aalala, walang pagsisikap makita ang mga katotohanan at walang pakialam kung may masasaktan na mga taong tunay na tumingin at nagmahal ng totoo sa akin.

Nagsikap ako, nagpundar ng materyal na bagay sa mundong ito, ngunit iba ang nakikinabang, naisang tabi ako at kailangan ko pa silang pakinggan at unawain upang kahit kapiraso ay may maibalik sa akin, kaya iniwan ko na lang sa mga may gusto ang mga bagay na sa akin, wag na lang nila akong abalahin pa.

Hayaan na ninyo ako sa aking buhay hanggang sa aking huling hininga. Ako na ang bahala sa aking sarili at wag nyong abalahin ang mga kasama ko sa buhay. Maaaring makuha ninyo ang mga bagay na meron ako noon, pero ang hindi nyo makukuha ay ang tiwala at presensiya ko.

Taon na ang binibilang ko na hindi ko pa kadugo ang karamihan sa nag aasikaso at nag aalala sa aking pagtanda. Kung di sila dumating sa buhay ko, paano na kaya ako? Maaring nag iisa, naubos na ang kabataan, naubos na ang dating kalusugan at maaring nasa kung saan saan na lang dahil ulyanin na.

Nagpapasalamat ako lubos sa aking mga kapamilya ngayon, dahil kayo ay naging biyaya at liwanag ko. Siguro matanda na lang talaga ako at nag iisip ng husto. Pero ito ang nabuo ko sa aking kaisipan; ang mga taong naiwan sa akin, ang nag aasikaso, umunawa at tinutulungan akong mapaunlad ang aking sarili ang siyang tunay na nagmamahal sa akin. Mahal ko kayo, maraming salamat.

Kayo ang mga taong minahal ako kahit maraming kulang sa buhay ko. Totoo namang higit pa sa pag asenso ang pagkakaroon ng tunay na pamilya. Ang pag asenso at biyaya ay ibinibigay ng kusa ng nakakataas sa atin. Magsisikap akong masuklian ang mga taong karapat-dapat lang na masuklian ng aking pagmamahal.

Panalangin ko lamang na ilayo kayo sa anumang mga masasamang balakid na gawa ng mga taong walang magandang intensyon at ilayo kayo sa kapahamakang dulot ng aksidente. Nabuo ang buhay ko dahil sa inyo.

Sunday, December 13, 2015

LAHAT AY NAABO NA

SUNOG SA MALANDAY, VALENZUELA

Noong 1965, una akong nanirahan dito sa Malanday, Valenzuela. Binata pa ako noon. Awa ng Diyos noon nakapagpundar ako ng payak na tirahan dito. Hanggang nagkaroon ng isa pang bahay. Ang una pinatirhan ko sa aking dalawang kapatid.

Nagtatrabaho ako sa Japan noon bilang lead dancer/choreographer kaya medyo magaan ang buhay.

Matapos ang dalawang hindi nagtagumpay na relasyon sa pag-ibig noon. Nagdesisyon ako patirahin sa ipinundar kong pangalawang bahay ang aking mga ibang kapatid. Wala rin naman akong kasama sa aking buhay. Hanggang naglakihan ang mga anak ng aking mga kapatid, nagka-asawa at nagkaanak sila rin ay sa akin nakapisan. Hanggang nagkaroon na akong muli ng kaagapay sa buhay at mga anak. Naroon pa rin sila.

Dahil na rin sa iba't-iba aming mga nagiging trabaho at wala na rin akong mapuwestuhan sa aking sariling tahanan. (Dumadami mga pamangkin at apo) Madalas kung saan kami nagtatrabaho doon na rin kami ng aking pamilya nanunuluyan. Naiiwan na lamang doon sa aking bahay sa Malanday ang karamihan sa aming mga gamit at mga damit.

Nag abiso sa akin ang kapatid nang may-ari ng tinutuluyan namin (siya ang aming pangkasalukuyang pinagtatrabahuan) kung saan kami naninirahan sa ngayon na paparenovate na at pauupahan na ito, kailangan na naming umalis. Doon na lamang sana ako sa aking bahay na pinundar, ngunit wala na pala kaming babalikan. 

December 11, 2016 nasunog ang mga kabahayan sa Road 1 ng Malanday, Valenzuela.

Malungkot ang mga pamangkin ko at kapatid. Wala na rin ang kanilang mga naipundar, pero awa ng Diyos, buhay sila. Nalulungkot ako para sa kanila. Simula noong naging batang artista ako sa pelikula, alam ko nakakatulong na ako sa kanila. Hanggang sa makakaya ko ay ibinibigay ko. Madalas marami akong naisasakripisyo para lang mapagbigyan sila. Sila ang parati kong nauuna sa aking mga prayoridad. Ngayon, wala akong maitulong. Ako at ang aking pamilya ay may pinagdadaanan din na pagsubok. 

Ngunit napaisip ako, ako pala ang totoong nasunugan ng bahay. Wala na ang aking mga naipundar. Wala na kaming babalikang tirahan. Lahat ay abo na.

Wednesday, July 2, 2014

Ang Mga Ginintuang Pangarap ni Randy



Matapos ang dalawang buwan mula ng naganap ang "Misteryo ng Paru-paro", hindi ko inaakalang ako ay magiging direktor ng isang pelikula. Patunay lamang na naging swerte ang insidenteng yun sa aking buhay. Ito ay ang "Lapis, Ballpen at Diploma" A true to life Journey.

Kung ang paru-paro man ay si Kuya Ron o isang anghel na nagbigay sa amin nang isang magandang pagkakataon, ito ay aking pinasasalamatan. Abangan ninyo ang Hong Kong showing ng pelikulang ito. Ipapalabas din ito sa ilang bansa sa Asya. I-update ko po kayo kung saan-saan ito pupunta.

Matapos ng ilang panahon ay magbabalik ito sa Pilipinas upang mapanood naman ng ating mga kababayan. 

Ating pong tangkilikin ang pelikulang Pilipino!

Noon ay naibabahagi ko sa inyo ang poster ng mga pelikula na kung saan ako ay isang artista, ngayon ay poster naman ng pelikula kung saan ako ang director.

Nakilala ko si Randy noong 2010 sa isang networking company na nagbukas ng dyaryo. Sa panahong iyon, hindi namin alam ng aking asawang si Linda na siya ay personal driver ng aming CEO. Dahil ang Randy Montoya na aming nakilala at nakikita ay isang marketing speaker.

Natuwa ako kay Randy dahil sa kanyang pagiging masayahin, at ang kanyang pagpupursige sa buhay. Hindi nagkakalayo ang naging buhay namin noong aming kabataan. Ngunit kahit anung pagsubok sa buhay ay aming hinaharap. Anumang balakid ay kakayaning pagtagumpayan maabot lamang ang ginintuang pangarap.

Masayahin at magaling makipagtalastasan itong si Randy. Akala mo ay walang nagiging problema sa buhay, ngunit sa panahon pa lang iyon ay marami ng problemang kinakaharap. Lumaki at lumago muli si Randy sa kumpanyang nabanggit sa mga lumipas na taon, at sa panahong ito, sila ng asawang si Erlinda ang ilan sa nag-aasikaso ng networking branch nila sa Hong Kong. 

Naging tagapagsalita siya ng kumpanya, madalas na ipadala si Randy sa iba't-ibang parte ng ating bansa at maging sa Asya. Hindi pasusubalian na kung ang iba ay may Midas Touch, siya ay nakakakuha ng ginto sa kanyang pagsasalita sa madla.

Malaking inspirasyon siya sa ating mga kababayan, dahil isa si Randy sa mga nagtataglay ng katauhan ng isang nilalang na patuloy na bumabagon sa kanyang pagkakadapa, at sa muli niyang pagbabalik ay mas lumalaki pa, mas tumitibay, at mas nagiging ehemplo para sa ating mga kababayan. Saludo kami Randy sa iyong katatagan. 

Ang Misteryo ng Paru-paro

Mayo 1 ng taong ito, magkakausap kami nina Direk Rod at Amay Bisaya sa McDo Quezon Ave. kasama ko ang aking maybahay na si Linda, napag usapan namin ang glory days ng Philippine Films, ang mga kagandahan ng paggawa ng pelikula noong araw, mag experiences at di malilimutang mga eksena sa kani-kaniyang pelikula. Syempre di maiiwasang maisama sa usapan ang Hari ng Pelikulang Pilipino, Fernando Poe Jr..

Ang kanyang nakakalungkot na pamamaalam o premonition sa kanyang mga kasamahan sa industriya. Ang pagbabati niya sa mga magkakagalit sa industriya, ang pag aayos ng kanyang opisina sa FPJ Productions.

Marami ang nalungkot sa biglaang pagkawala ni Kuya Ron, masakit, hindi lang sa kanyang pamilya at mga kaibigan kundi pati na rin sa mga bumubuo ng industriya ng showbiz.

Walang makakapantay sa kanyang kasikatan sa ating mga Pinoy bilang isang artista, walang makakapantay sa kanyang puso sa mga kasamahan sa industriya at walang makakapantay sa tunay niyang pagmamalasakit sa ating kapwa Pinoy na iilan lang kami sa mga nakakasaksi.

Isa sa mga ayaw ni Kuya Ron ay yuong ipabanggit ang kanyang mga nagawang tulong sa kanyang mga kababayan. Kahit noong tumatakbo siya sa larangan ng pulitika kung saan binabato na siya ng mga mapaghusgang mata at binabatikos sa pahayagan, ayaw niya kaming magbigay ng komento ukol dito. Bagay na inirerespeto namin magpahanggang sa ngayon.

FPJ sa pelikulang Hari sa Barilan
Mula sa pelikulang Hari sa Barilan
Ilang sandali pa nakakita kami ng puting paru-paro na umaaligid sa aming pwesto, kataka-taka, dahil nga sa wala namang bukirin o mga halaman na malapit dito at dis oras na ng gabi. Napasambit tuloy si Amay na "Gabayan mo kami Ninong Ron!" (tawag niya kay FPJ). Sa aming pag uwi ay tila gumaan ang aming mga pakiramdam.

Nakita ko sa isang babasahin ang isa sa magandang simbolismo ng puting paru-paro.

"When a white butterfly crosses your path or enters your home, it will bring good luck and is a sign that you will have a good life. White butterflies also symbolize past spirits/souls and are signs of good luck or angels watching over you."

Dinalaw kaya kami ng kaluluwa ni Ron? Hindi ko ito masasagot, ngunit nawa nga maging maganda na ang aming mga gustong matupad sa buhay, isa na dito ay ang makatulong na muling mapasigla ang mundo ng Pelikulang Pilipino.

Saturday, September 7, 2013

ANG MAKABAGONG JOB


Danilo Jurado with Direk Bobby Benitez's Angels

Naging isang surpresa ang pagkakatanggap ng inyong lingkod na mapabilang sa isang stage play.  Ang play ay pinamagatang “Job”, ito ay sa direksyon ni Cesar P. Macaspac Sr. Ang “Job” ay tungkol sa isang pinagpalang alagad ng Diyos na naharap sa napakaraming pagsubok mula sa kamay ni Satanas.
 

Ang “Job” ay nakapagpalabas na kasama ang inyong lingkod sa Pulilan Central High School noong Hulyo 13 (taong kasalukuyan), kasunod pa dito ang ilan pang parte ng Bulacan ilan pang palabas sa Pampanga at Angat.
Direk Bobby Benitez playing the role of Satan in Job Muog ng Pananampalataya, together with his Angels.
Dito ko nakilala ang isang bagong kaibigan na Coordinator ng “Job”  na si Roger Iral, ngunit matagal na palang kakilala ang aking asawang si Linda. Dati na pala silang magkatrabaho sa Regal Films. Napag-alaman ng inyong lingkod na ang Bise Gubernador ng Bulacan na si Daniel Fernando ang dating tumatayong “narrator” sa nasabing pagtatanghal noon.
 

(L-R) Amante Pulido, Edgar Lo, Tony Leyba, Apo Norman Corpuz taken at Pulilan Central School
Masasabing napapanahon ang “Job” sa dahilang ito ay akma sa mga bagay na nangyayari sa atin at sa ating mga kababayan sa kasalukuyan. Ang mga Filipino, noon pa man ay pinagpala at maraming biyaya ang ibinibigay sa atin ang ating Ama sa Kalangitan.
 

Ngunit sa ngayon, tayong mga Pinoy ay sumasabak sa maraming pagsubok na talaga namang napakahirap. 

Marami sa atin ang nakararanas na hindi makain sa araw- araw. Ang pagkakaroon ng ilan ng mga sakit na wala ng lunas, mga kalunos-lunos na sitwasyon ng pang-aapi sa ating mga OFW’s, pang-aalipusta at pangmamaliit sa atin ng ilang karatig bansa sa Asya at kurapsyon mula sa ating mga pinagkatiwalaang mga pulitiko na dapat sana ay magbibigay ng benepisyo sa ating mga mamamayan dahil sila ay mga "public servants" ng bayan.
 

Sa aking pananaw, tayo ang makabagong “Job”, dahil ang mga pagsubok na ito ay ating malalampasan dahil tayong mga Filipino ay may solidong pananampalataya sa Ating Ama sa kalangitan.

LAKBAY TULONG PANGKABUHAYAN NG CIS- NCR




Silang mga nasa larawan ang mga barberong boluntaryong magbibigay ng serbisyo. 
(Photo by: Danilo ‘Rico’ Gascon)
Gupitang Bayan Bara-baranggay tuwing 
Sabado’t Linggo pati na rin ang Holiday 9am – 3pm

     “Makatao at makabayang adbokasiya, kapit-bisig para sa pagsugpo ng kriminalidad. Sapagkat ang kahirapan ang isa sa ugat ng krimen”. Para sa mga miyembro na nagnanais magkaroon ng dagdag kaalaman pangkabuhayan, makipag-ugnayan sa pinakamalapit na sangay ng CIS na nakakasakop sa inyong chapter upang mapabilang sa iba’t-ibang uri ng seminar at training.
     Ito ay kasalukuyang nagaganap na sa bawat barangay sa masigasig na pangunguna at sa matapat na paglilingkod ni NCR-CIS President Mr. Elmer Bernardo at mga NCR district President in respective communities sa suporta ng kagalang-galang na Congressman na si Hon. Samuel Pagdilao ng ACT-CIS. - Kiran Singh

Lumabas sa X-Files Vol.6 No. 339 Setyembre 8, 2013
 
 
"Isang inspirasyon para sa ating mga Filipino ang ginagawa ng grupo ni Kiran Singh ng NCR-CIS para sa ating mga kababayan. Sa kaunting paraan ay nabibigyan nila ng kasiyahan at pag-asa ang ating kapwa Pinoy. May Gupitang Bara-baranggay na gaganapin malapit sa Luneta Park sa susunod na buwan. Nawa'y mabigyan natin sila ng ating suporta. "- Danilo Jurado







Sunday, August 11, 2013

Mga Ala-ala sa Operetang Putol-putol

Ito ang poster ng pelikulang Operetang Putol-Putol, makikita sa larawan ang aking mga kasamahan noong kanilang kabataan at katanyagan, ilan sa amin ang nagkaroon ng mas matitingkad na career matapos ang Martial Law. Photo courtesy of Video 48
Nakita ko ang larawang nasa kanan-ibabang bahagi ng lathang ito, habang nagtabi-tabi ako ng gamit sa bahay, kadalasan bibihira lang namin magawang mag ayos-ayos. Dahil na rin siguro sa trabaho naming mag-asawa sa mundo ng pagsusulat. Kadalasan ay wala kami sa bahay at kung saan-saan kami pumupunta upang makakuha ng mga sangkap na idadagdag sa aming mga isinusulat na storya. Ito ang ilan sa cast ng Operetang Putol-putol. Ako yung naka-pulang long sleeve polo.

Nakaluhod ako at nasa aking tabi ang malapit kong kaibigan na si Danny Taguiam. Naka tayo sa may likuran namin sina Esperanza Favon, Elizabeth Ledesma at Dolly Favorito. Ang isa sa tinaguriang Elvis Presley ng Pilipinas na si Buddy Castillo ay nasa likuran nina Beth at Espie. Kasama namin ang ilang kamag-anakan at pamilya namin. Kuha ito noong ihatid namin si Johnny de Leon papuntang Amerika. 

Marami akong magandang karanasang di malilimutan bilang isa sa cast ng nasabing radio show.  Noong kasagsagan ng batas militar sa Pilipinas ay isinara ang aming programa, ngunit kalakip ang pangako na sa paghupa ng Martial Law ay kami pa rin ang magkakasama, hanggang sa magiging mga anak-anak namin.

Ngunit noong humupa na ang sigwa ng Martial Law ay iba na  programang nasa ere, pero ganoon din ang tema. Sabi nga, life goes on. Hindi na namin inalam kung ano na ang nangyari at hindi natupad ang mga binitawang salita. Nagpatuloy kami sa aming pakikipagsapalaran sa buhay. Si Tessie Lagman na aming titser at si Ben David na aming principal ay patuloy na naging broadcasters nang mahabang panahon.
Ang larawang ito ay kuha sa loob ng DWBB nuong aming binisita si Manolo Favis ilang taon na rin ang nakararaan, kasagsagan ng kanyang portion na kung tawagin ay "mix-mix". L-R Elizabeth Ledesma, ang inyong lingkod na nakatayo Danilo Jurado, Dolly Favorito at ang kanyang kaibigan, at ang aking ninang na si Tessie Lagman-Balboa
Ang aming scriptwriter/director na si Manolo Favis ay patuloy pa ring mapapakinggan sa DWBB ng Kapuso Network hanggang sa kasalukuyan.

Naging sikat na sikat na mga artista at singers naman sina Edgar Mortiz, Jay Ilagan at Perla Adea. Habang ang inyong lingkod, Danny Taguiam, Dolly Favorito, Elizabeth Ledesma, Joe Alvarez at Richard Merk ay nag-abroad.
Ako at ang aking kaibigan si Danny Taguiam noong nasa Japan kami.
Nag-aral muna ako ng sayaw at naging choreographer ng traditional dances para sa mga talents na gustong pumunta ng Japan. Later on, nakapunta ako sa Land of the Rising Sun. Nagkahiwalay-hiwalay kaming magkakaibigan at kung saan-saan na kami dinala ng tadhana, ngunit kapag may oras ay nagkikita-kita din naman.

Naging ninang (sina Perla Adea, Ezperanza Favon at Dolly Favorito) at ninong (Jay Ilagan, Danny Taguiam, Richard Merk at Edgar Mortiz) sila ng aking mga anak. Ninang naman naming mag-asawa sa kasal si Tessie Lagman -Balboa.

Minsan ay nagkaroon kami ng isang memorable get-together para kay Tiya Dely ilang taon na ang nakaraan.
Isang get-together ng Operetang Putol-putol para sa veteran broadcaster na si Tiya Dely, ilang taon na ang nakalilipas, ito ay natupad dahil sa kabutihang-loob ng mag-asawang Richard at Roni. L-R Danilo Jurado, Dolly Favorito, Esperanza Fabon, (veteran broadcaster) Tiya Dely, Richard Merk, Danny Taguiam, and Edgar Mortiz
Nagkaroon din naman ng pagkakataon na muli naming binuhay ang aming radio career sa pamamagitang ng Opereta Extravaganza na aming ginawa ng mahigit sa tatlong taon. 
Ang inyong lingkod kasama ang aking mga kaibigan na sina Dolly Favorito at Danny Taguiam
Naging posible ito, dahil na rin sa kabutihang loob ng isang mabuting kaibigan na si Andrew Gutierrez at ang aking ninang sa kasal na si Tessie Lagman. Naging masigasig muli kamin at naging active sa aming buhay showbiz.

Ang aking mga kasama sa Opereta Extravanganza. (L-R Andrew Gutierrez and companion, Dolly Favorito, Elizabeth Ledesma, at ninang Tessie Lagman-Balboa, magkatabi namang nakaluhod sina Danny Taguiam at ang inyong lingkod Danilo Jurado
Marami man ang nagsasabi sa amin ng negatibo ukol sa aming muling pagsasa-ere ng aming programa, ipinagsawalang bahala namin ito dahil ito na ang nakagisnan naming mundo nang aming pagkabata at hindi na maiaalis sa aming katauhan. Sa aming naging buhay sa entertainment world, hindi na namin makakalimutan ang aming mga naging karanasan dito habang kami'y nabubuhay.