Sunday, August 11, 2013

Mga Ala-ala sa Operetang Putol-putol

Ito ang poster ng pelikulang Operetang Putol-Putol, makikita sa larawan ang aking mga kasamahan noong kanilang kabataan at katanyagan, ilan sa amin ang nagkaroon ng mas matitingkad na career matapos ang Martial Law. Photo courtesy of Video 48
Nakita ko ang larawang nasa kanan-ibabang bahagi ng lathang ito, habang nagtabi-tabi ako ng gamit sa bahay, kadalasan bibihira lang namin magawang mag ayos-ayos. Dahil na rin siguro sa trabaho naming mag-asawa sa mundo ng pagsusulat. Kadalasan ay wala kami sa bahay at kung saan-saan kami pumupunta upang makakuha ng mga sangkap na idadagdag sa aming mga isinusulat na storya. Ito ang ilan sa cast ng Operetang Putol-putol. Ako yung naka-pulang long sleeve polo.

Nakaluhod ako at nasa aking tabi ang malapit kong kaibigan na si Danny Taguiam. Naka tayo sa may likuran namin sina Esperanza Favon, Elizabeth Ledesma at Dolly Favorito. Ang isa sa tinaguriang Elvis Presley ng Pilipinas na si Buddy Castillo ay nasa likuran nina Beth at Espie. Kasama namin ang ilang kamag-anakan at pamilya namin. Kuha ito noong ihatid namin si Johnny de Leon papuntang Amerika. 

Marami akong magandang karanasang di malilimutan bilang isa sa cast ng nasabing radio show.  Noong kasagsagan ng batas militar sa Pilipinas ay isinara ang aming programa, ngunit kalakip ang pangako na sa paghupa ng Martial Law ay kami pa rin ang magkakasama, hanggang sa magiging mga anak-anak namin.

Ngunit noong humupa na ang sigwa ng Martial Law ay iba na  programang nasa ere, pero ganoon din ang tema. Sabi nga, life goes on. Hindi na namin inalam kung ano na ang nangyari at hindi natupad ang mga binitawang salita. Nagpatuloy kami sa aming pakikipagsapalaran sa buhay. Si Tessie Lagman na aming titser at si Ben David na aming principal ay patuloy na naging broadcasters nang mahabang panahon.
Ang larawang ito ay kuha sa loob ng DWBB nuong aming binisita si Manolo Favis ilang taon na rin ang nakararaan, kasagsagan ng kanyang portion na kung tawagin ay "mix-mix". L-R Elizabeth Ledesma, ang inyong lingkod na nakatayo Danilo Jurado, Dolly Favorito at ang kanyang kaibigan, at ang aking ninang na si Tessie Lagman-Balboa
Ang aming scriptwriter/director na si Manolo Favis ay patuloy pa ring mapapakinggan sa DWBB ng Kapuso Network hanggang sa kasalukuyan.

Naging sikat na sikat na mga artista at singers naman sina Edgar Mortiz, Jay Ilagan at Perla Adea. Habang ang inyong lingkod, Danny Taguiam, Dolly Favorito, Elizabeth Ledesma, Joe Alvarez at Richard Merk ay nag-abroad.
Ako at ang aking kaibigan si Danny Taguiam noong nasa Japan kami.
Nag-aral muna ako ng sayaw at naging choreographer ng traditional dances para sa mga talents na gustong pumunta ng Japan. Later on, nakapunta ako sa Land of the Rising Sun. Nagkahiwalay-hiwalay kaming magkakaibigan at kung saan-saan na kami dinala ng tadhana, ngunit kapag may oras ay nagkikita-kita din naman.

Naging ninang (sina Perla Adea, Ezperanza Favon at Dolly Favorito) at ninong (Jay Ilagan, Danny Taguiam, Richard Merk at Edgar Mortiz) sila ng aking mga anak. Ninang naman naming mag-asawa sa kasal si Tessie Lagman -Balboa.

Minsan ay nagkaroon kami ng isang memorable get-together para kay Tiya Dely ilang taon na ang nakaraan.
Isang get-together ng Operetang Putol-putol para sa veteran broadcaster na si Tiya Dely, ilang taon na ang nakalilipas, ito ay natupad dahil sa kabutihang-loob ng mag-asawang Richard at Roni. L-R Danilo Jurado, Dolly Favorito, Esperanza Fabon, (veteran broadcaster) Tiya Dely, Richard Merk, Danny Taguiam, and Edgar Mortiz
Nagkaroon din naman ng pagkakataon na muli naming binuhay ang aming radio career sa pamamagitang ng Opereta Extravaganza na aming ginawa ng mahigit sa tatlong taon. 
Ang inyong lingkod kasama ang aking mga kaibigan na sina Dolly Favorito at Danny Taguiam
Naging posible ito, dahil na rin sa kabutihang loob ng isang mabuting kaibigan na si Andrew Gutierrez at ang aking ninang sa kasal na si Tessie Lagman. Naging masigasig muli kamin at naging active sa aming buhay showbiz.

Ang aking mga kasama sa Opereta Extravanganza. (L-R Andrew Gutierrez and companion, Dolly Favorito, Elizabeth Ledesma, at ninang Tessie Lagman-Balboa, magkatabi namang nakaluhod sina Danny Taguiam at ang inyong lingkod Danilo Jurado
Marami man ang nagsasabi sa amin ng negatibo ukol sa aming muling pagsasa-ere ng aming programa, ipinagsawalang bahala namin ito dahil ito na ang nakagisnan naming mundo nang aming pagkabata at hindi na maiaalis sa aming katauhan. Sa aming naging buhay sa entertainment world, hindi na namin makakalimutan ang aming mga naging karanasan dito habang kami'y nabubuhay.
 

No comments: